Maikling Kwento

Aminan sa Sakahan


    Summer ang pinaka-gustong panahon ni Andres. Tirik ang araw at ang kalangita’y kulay asul, parang ang lahat ay kalmado. Maliban sa wala nang pasok ay makakauwi na rin siya sa sakahan ng kanyang pamilya. Si Andres ay nag-aaral sa siyudad kung kaya’t malayo-layo ito sa kanilang probinsya. Nakikituloy lamang siya sa kanyang tiyahin kapag may pasok. Tatlong oras ang layo ng probinsya kaya’t nakakaabala nang umuwi araw-araw. Umuuwi lamang siya sa tuwing sem-break o kapag tapos na ang pasukan.
    Marso na ngayon. Inaasahan ng kanyang ina na makakauwi siya ngayong araw. “Siguradong may handa na naman ‘yon,” Isip ni Andres.
    Habang naglalakad siya pauwi, pinagmasdan niya ang paligid. Hindi siya nakauwi noong sembreak dahil maraming gawain sa paaralan, kaya’t sampung buwan rin siyang hindi nakauwi sa probinsya. Sa kalayuan, nakikita na niya ang silweta ng mga bahay sa kanilang lungsod. Ano nga bang nagbago?
    Napansin niyang ang tarapal sa puno ay nakasabit pa rin hanggang ngayon. Nasa tapat ng daan pa rin ang lalagyan ng mga pinta kahit tatlong taon nang nakalipas mula ginamit ito. Ang duyan na nakakabit sa sanga ng puno ay sira pa rin. Walang pagbabago—maliban sa ihip ng hangin. Hindi alam ni Andres kung mabuti ito.
        “Andres!” Sigaw ng pamilyar na boses sa kanyang likuran. “Una akong nakauwi sa ‘iyo!”
    Narinig muna ni Andres ang yabag ng mga paa ni Patrick bago niya nakita ang kanyang mukha. “Oh, aga mong nakarating ah.” Aniya.
    Kumamot si Patrick sa kanyang ulo habang dala-dala ang bakol na puno ng prutas. “Bagal mo kasi, para kang babaeng maglakad. Nakita ko na nga si Tala.” Inakbayan niya si Andres. “Iimbitahin sana kita, eh sabi ni Tiya ngayon ka pa lang darating.”
    Ang pagbanggit lamang ng pangalan na Tala ay sapat na para mamula ang mukha ni Andres. Tatlong taon nang nagugustuhan ni Andres si Tala simula noong nagkaklase sila sa walong baitang. Magkapit-bahay lamang sila sa probinsya ngunit hindi niya ito nakakausap.
    Kinamot ni Andres ang liham na nakatago sa bulsa ng kanyang dyaket. Para ito sa isang mala-Maria Clara na babaeng nakapangalan ng Tala.
    “Ayieee, nagniningning na naman ang mga mata mo!” Tukso ni Patrick. “Talagang literal ang epekto ni Tala sa ‘yo, lumiliwanag ang mukha mo kapag binabanggit ko siya.”
    “Manahimik ka nga Pat, laki ng bunganga mo.” Iyon lamang ang sinabi ni Andres bago tuloyang maglakad.
    Tahimik at kalmado lamang si Andres habang papauwi. Si Patrick naman talaga ang madaldal sa kanilang dalawa. Siya at si Tala lang ang kakilala ni Andres na nag-aaral sa siyudad kaya matalik silang magkaibigan.
    Hindi inasahan ni Andres ang kasiyahan na kanyang mararanasan noong nakita niya ang bahay nilang kulay kayumanggi.
    “Inay!” Bati niya noong nakita niya ang kanyang ina. Ito’y nakatayo sa labas ng kanilang pintuan, halatang naghihintay sa kanya.
    “Kiko! Nandito na si Andeng!” Tawag ng kanyang ina bago niya niyakap si Andres. “Tangkad mo na ah! Ano bang pinapakain ni Pacita saiyo?” Si Pacita ay ang kanyang tiyahin kung saan siya nakikituloy tuwing pasukan.
    Tumawa si Andres. “Makakasigurado po kayo na hindi ‘ho gulay ang pinapakain ni tiya.”
    Pag pasok niya sa bahay, kumpleto ang kanyang pamilya. Ang kanyang ama– si Kiko, ang kanyang dalawang kapatid, at ang kanyang ina. Si Patrick naman ay nakasandal sa lamesa’t kumakain na parang nalipasan ng isang taon.
    “Tiya, alam mo po ba, ang talino ‘ho ni Andeng sa skwelahan! Top 2 po yan sa klase.” Sambit ni Patrick.
    “Ganon ba?” Tinapik-tapik ng kanyang ina ang ulo ni Andres. “Kung ganon anak, nako! Magbihis ka dali at iimbitahin ko yung mga kapit-bahay natin dito.”
    Wala nang nagawa si Andres kundi pumunta sa kanyang kwarto at nagbihis. Sumama sa kanya si Patrick. “Wow, sa linis ng iyong kwarto ay halos mapuno na ito ng alikabok.”
    “Sampung buwan na ‘tong hindi nalilinisan Pat. Ngunit mas malinis pa rin ito kumpara sa ‘yo.”
    Humiga ang kanyang kaibigan sa kanyang kama. “Kapagod palang bumyahe ano? Ay atsaka, walang anuman.” Ani ni Patrick.
    “Ano? Anong walang anuman?” Sumalubong ang kilay ni Andres sa pagkalito.
    “Eh diba nga sabi ni tiya na iimbitahin niya ang mga kapit-bahay dahil sinabi kong top 2 ka. Baka pupunta yang crush mo.” Napangisi si Patrick. “Kaya, walang anuman.”
    Lumaki ang mga mata ni Andres. Oo nga!
    Pagkatapos niyang magbihis, napatawa ng malakas ang kanyang kaibigan. “Ang ganda ng iyong damit para kang ibuburol. Ba’t ba ang elegante ng suot mo?”
    “Sobra ba?” Tumingin si Andres sa kanyang puting slacks at long sleeve na polo.
    “Alam mo, sobra kang nag-iisip. Chill ka lang, mehn! Ito oh, suotin mo.” Inihagis ni Patrick ang isang lumang pang-itaas kay Andres. “Sabik rin akong makita si Tala. May babae kasi siyang palaging kasama eh, parang di taga rito. Sa tingin mo, pinsan niya kaya yon?”
    Tumingin si Andres sa kanyang repleksyon sa salamin. “Bakit, gusto mong maka-score no?” Natawa siya.
    “Ulol.” Hampas ni Patrick sa kanya. “Labas na nga tayo, nagugutom na ako.”
    Marami nang tao sa maliit na sala paglabas nila Andres. Maraming kumamusta sa kanya at sa buhay niya sa siyudad. Magalang niyang sinagot ang kanilang mga katanungan habang nakangiti.
    “Psst! nandoon si Tala at ang pinsan niya oh. Tara punta tayo don. Kinuha ko na rin ang liham mo para sa kanya.” Inabot ni Patrick ang isang papel.
    “Ba-bakit..? Ano? Pano mo nalaman tungkol sa liham na ‘to?” Gulat na nagtanong si Andres. Nakakahiya naman!
    “Parati mo kasing kinakamot yung bulsa ng dyaket mo, kaya tinanaw ko kung ano ang nandoon habang nagbibihis ka.” Saad ni Patrick sabay ng nakakalokong ngiti. “Ngumiti ka sa akin. At sa tahimik ng bawat gabi, nakikita ko ang ngiti na iyon..”
    “Shhh!” Bulong ni Andres habang dali-daling tinakpan ang bibig ni Patrick. “Ba’t mo binasa?!”
    Nagsalita si Patrick ngunit di ito maintindihan dahil sa kamay ni Andres. Binaba niya ito. “Para ma-blackmail kita. Aamin ka kay Tala o ako mismo magsasabi sa kanya kung ano ang nabasa ko?”
    Parang sasabog si Andres sa sinabi ni Patrick. Hindi niya alam ang kanyang nararamdaman. Ilang beses na siyang sumubok umamin kay Tala noong nakalipas na taon ngunit parati siyang kinakain ng nerbyos. Baka...baka pwedeng sumubok muli? Baka sa panahong ‘to, ang pag amin ko’y magiging susi sa pag-iibigan namin. Isip niya.
    Bumuntong hininga si Patrick. “Nais ko lang na hindi ka magsisi, Andeng. Nabalitaan kong may gusto rin si Ponso sa kanya. Baka maunahan ka pa. Wala namang mawawala sa pag-amin ng nararamdaman, diba?”
    Ayaw niyang maunahan! Pero baka hindi rin maisusukli ni Tala ang kanyang paghanga. Ngunit, importante ba yon?
    Ang mahalaga ay maisabi niya ang kanyang nararamdaman. Nakapagbuo ng desisyon si Andres. “Tama ka, Pat. Sige na nga. Baka maka-iscore ka rin sa pinsan niya. Saan ba sila?” Tila ba ay nakakita si Andres ng silver-lining sa linyang kanyang narinig galing sa kaibigan.
    “Ayos! Nakita ko silang lumabas. Baka nasa bahay-kubo.” Tugon ng kaibigan. “Teka, teka lang muna, oh eto, pulang rosas, bigay mo ‘to sa kanya. Bilang isang simbolismo ng paghanga mo sa kanya.” Dagdag pa ni Patrick.
    Tinanggap ito ni Andres at pumunta na ang dalawang magkaibigan sa bahay-kubong di malayo sa bahay nila Andres. Tama nga, nandoon si Tala at kanyang pinsan.
    Parang nahilo si Andres nang nakita niya si Tala. Napakaganda! Tila ba ang pagmumukha ni Tala ay araw na nagbigay ng galak at kasiyahan kay Andres. Nakalugay ang tuwid at mahabang buhok nito sa kanyang maputing leeg. Ang kanyang mga mata’y nagniningning na parang bituin. Napalibutan ito ng matataas na pilikmata. Sa kanyang pag-upo ay makikita ang mayumi at mahinhin niyang saloobin. Tila ang mga bulaklak ay napangiti sa kagandahan ni Tala.
    Hindi na napigilan ni Andres ang kanyang damdamin.
    “Tala gusto kita.” Mabilis na pagsalita ni Andres nang siya ay makalapit sa magandang dilag.
    Narinig niyang huminga ng malalim si Patrick. Nakita niya ang pagkagulat sa mga mata ni Tala. Parang natuwa naman ang kanyang pinsan habang nakataas ang kilay.
    “Pre, wala man lang hi?” Bulong ni Patrick sa kanyang tabi. Hindi niya ito pinansin.
    Nagpatuloy siya. “Alam kong hindi tayo nag-uusap o nagpapansinan sa paaralan. Ngunit di ito hadlang sa aking paghanga sa’yo. Noong ngumiti ka sa akin, isa lang ang nasa aking isipan— that the answer to life, the universe, and everything was you, smiling at me.”
    “Naks, english.” Komento ni Patrick.
    Muli, hindi niya ito pinansin at nagpatuloy. “Umaamin lang ako na gusto kita. Wala akong hinihinging kapalit, maliban kung gusto mo rin ako.”
    Pakiramdam ni Andres na nawala ang mabigat na damdamin sa kanyang dibdib. Sa wakas, nagawa niya na! Kahit may pagdududa at takot siya para sa kanyang sarili, nagawa pa rin niya!
    “Andres, hindi ko pwedeng maibalik ang iyong pagnanais.”
    At kasing dali naman naramdaman ni Andres ang pagbalik ng mabigat na damdamin sa kanyang dibdib. Masakit.
    Tahimik si Patrick sa kanyang tabi, okupado sa pagtitig sa pinsan ni Tala. Naghintay si Andres ng paliwanag. Ang bilis naman ng pangyayari.
    “Pasensya. Hindi kasi-um..ano kasi eh.“ Napautal si Tala. “Pat, Andeng, kasintahan ko pala. Si Angelica.”
    Ngumiti ng paloko ang babaeng inakala nila na pinsan niya. “Hello.” Bati niya.
    “Ah, di ko inasahan yon ah.” Kabadong tumawa si Patrick at bumati pabalik kay Angelica.
    Walang imik si Andres habang papalakad sila pabalik sa bahay. Bakit hindi niya nakita na kaya’t hindi pinapansin ni Tala ang mga nagkakagusto sa kanya ay dahil pala..ARGH!
    “Awit pre, di niya pala pinsan yon.” Sabi ni Patrick habang umaakbay sa kanya. “Pero ang tapang mo ha! Di ko kayang gawin yon, torpe kasi ako.” Tumawa si Patrick. “Wala kang dapat pagsisihan, nakakuha ka naman ng sagot. Kawalan na niya yun.”
    Kahit na mabigat ang pakiramdam ni Andres, napangiti siya sa sinabi ni Patrick. E ano ngayon kung nabigo siya sa pagibig? Panalo naman siya sa pagkakaibigan.
    Mukhang matagal mang makaka move on si Andres ay sisiguraduhin niyang sa susunod ay kikilalanin muna niya ang liligawan, hindi lamang sa kagandahan ang kanyang pagbabasihan. Sa wakas ay nakalaya na siya sa kadena ng mga saloobin ukol sa kanyang nararamdaman para kay Tala.

Mga Komento